Iza Maria Reyes
Winner, 2021 PBBY-Salanga Prize
Gusto kong magpasalamat sa pagbabasa ng kuwento ng umiiyak na tahanan, at hindi lang iyon—sa pagbibigay nitong napakalaking karangalan. Noong sinulat ko ang kuwentong ito, isa lang din akong manunulat na nais iproseso ang sariling lungkot, at nais maunawaan ang realidad.
Marami sa mga bagay sa realidad natin ngayon ang malungkot, kahit hindi natin ito pinag-uusapan. Nakikita ko ito sa anak ko na lagpas-isang taon nang hindi nagagawa ang mga bagay na paborito niyang gawin, gaya ng pagpasok sa paaralan, pagsakay ng jeep, paglalaro sa play area sa mall, at pagtakbo at paglalaro sa labas. Nakikita kong mahirap sa kaniya na iproseso itong kakaibang lungkot, at dumadaan ang araw-araw nang hindi namin ito pinag-uusapan. Nagpapatuloy lang kami; sinisikap humanap ng ligaya sa araw-araw.
Pero hindi lang naman ngayon mahirap pag-usapan ang lungkot. Kahit noong lumalaki ako at kung ano-anong problema ang pinagdadaanan ng sariling pamilya, hindi rin namin ito gaanong pinag-uusapan. Natuto na lang kaming dalhin itong lungkot, pasanin, at patuloy na humanap ng ligaya. Alam kong bahagi ito ng pagiging malakas at matatag, ang pasan-pasan nating lungkot mula sa mga pinagdaanan, napagtagumpayan man o hindi.
Ito ang nasa isip ko noong isinusulat ang kuwento ng umiiyak na bahay—ng tahanang hindi tumatahan. Kung iniluluha lang natin ang lumbay natin dahil sa kasalukuyang realidad, siguro, napuno na nito ang maraming timba at maraming batsa. Iyon lang, hindi natin kayang umiyak araw-araw, dahil kailangan nating mabuhay. Dahil hindi natin maiyak, mayroong bigat na binubuhat nating lahat na dumaranas nito.
Kakaiba naman talaga ang dinaranas natin ngayon, at sa kuwentong ito, ang nais ko sanang maiparating ay okay lang damdamin ang lungkot. Kailangan nating maramdaman ang lungkot. Paalala ito ng ating pagiging tao.
Sa mundong ito na tinutulak tayong magpatuloy at umusad dahil iyon ang matapang, nais kong maipaalala ng kuwentong ito sa ating lahat na ang pagtigil sandali para humikbi, umiyak, o humagulgol, ay paalala ng pagiging tao. Ito, para sa akin, ay totoong tapang rin, ang pagpapaalala sa sarili ng pagkatao sa gitna ng mundong tinutulak tayong kalimutan ito.
Gusto kong banggitin ang isang tanong na patuloy kong hinaharap: anong silbi ng pagsusulat at pagiging guro sa kasalukuyan, na para bang wala namang nagagawa ang bawat hakbang na ginagawa ko para mapigilan itong tila paggunaw ng mundo?
Tumatak sa akin sa isang MA class ang pinabasang poetika sa klase, na ito ring tanong na ito ang pilit naming hinanapan ng sagot. Isang linya mula roon, sa poetika ni Anna Felicia Sanchez, “Grief is the balance upon which I weigh my joy.” Anong ganda ng lungkot at pagdurusa dahil ipinakikita sa atin nito ang halaga ng kaligayahan; anong ganda ng lumbay dahil ipinaaalala sa atin nito na mga tao tayong nabubuhay at nakararamdam.
Sa ngayon, ito ang sagot ko sa tanong. Bilang manunulat, guro, at nanay, sisikapin kong palaging ipaalala: tao tayo. Tao tayo na nakakaramdam, tao tayo na nagkakamali, tao tayo na may magagawa. Tao tayo kaya kailangan nating magpakatao.
Umaasa akong naipaalala sa atin at maipapaaalala sa mga susunod pang magbabasa ng kuwentong ‘Ang Tahanang Hindi Tumatahan’ ang pagiging tao—na bahagi ng pagiging tao ang pagdaan sa proseso ng lungkot at pagbabago, na okay lang maging hindi okay, at na posibleng makahanap ng kaligayahan pagkatapos ng lumbay.
Umaasa akong sa kuwentong ito, maaalala nating mahalaga ang pagpapakatao, lalo na sa panahong parang magugunaw ang mundo. Dahil pagpapakatao rin ang lilikha ng mas mabuting mundo.
Gusto ko ring gamitin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa nanay ko, na nagpakita sa akin ng pagiging malakas at matatag sa kabila ng lahat ng lungkot; ang pamilyang palaging pinagmumulan ng payapa at saya: sina Jelo at Lumi; at ang mga kapamilya at kaibigang patuloy na nagpapakita sa akin ng ganda ng kaligayahan at kalungkutan.
Muli, maraming, maraming salamat sa karangalang ito.