Joel Donato Ching Jacob

Keynote Speaker, 38th National Children’s Book Day

Joel Donato Ching Jacob won the 2018 Scholastic Asian Book Award (SABA) for his novel Wing of the Locust, a young adult fantasy set in precolonial Philippines, published by Scholastic Asia in 2020. You can listen to Joel’s speech during the 38th NCBD Virtual Ceremonies. (Timestamp 8:30)


Maraming Salamat sa Philippine Board on Books for Young People sa paanyayang makapagsalita sa pagdiriwang ng National Children's Book Day ngayong Hulyo. 

Napakahalaga ng tema natin ngayong Magkaiba? Magkaisa. Magbasa! dahil kayraming polarizing na mga bagay na nagwawatak-watak sa atin bilang Pilipino, mga tao't mamamayan ng mundo.

Speaking of pagbubuklod, alam niyo ba kung ano koneksiyon ng Wing of the Locust sa PBBY? Noong 2017 nangalap ang PBBY ng mga unang kabanata ng Young Adult novel. Magwawagi ang isa ng kritikal na pagpuna mula sa nakadiskubre kay J. K. Rowling? 

Nanalo ang kabanata ng Wing of the Locust sa  PBBY: You Write to Me, I'll Write to You with Barry Cunningham. At sa kanyang gabay, nabuo ko ang manuskritong nagwagi ng Scholastic Asian Book Award noong 2018. Kaya malaki talaga ang pasasalamat ko sa PBBY.

Pero ano nga ba ang diversity sa konteksto ng Pilipinas? Di man dominanteng uri ang puting mayayamang lalaki dito, manood ka na lang ng TV, matitipunong, magagandang, mapuputing mga Mestizong Tagalog ang mga bida. Yung mga baduy, Batangenyo. Yung mga katulong, Bisaya. Pero, hindi ba diversity 'yon? 

Hindi, kasi pinapairal lamang nito yung mga pagkiling na dati pang umiiral. Kailangan natin itanghal ang natatanging danas sa pagbibigay kakayahan at tinig sa bawat isa. Halimbawa na lamang, sa sariling kong kuwentong #BrownVoices #QueerVoices, nagsusulat ako ng danas ng malamyang kumilos na bakla mula sa Timog Katagalugan. Umaasa ako na yung tuwa at mangha ko sa pagbabasa tungkol kina Bugan at Wigan, kina Humadapnon at Amburukay ay siya ding pagbubukas-loob ng mga mambabasa sa mga danas ko. 

Di ba amazed na amazed tayo sa Harry Potter at Lord of the Rings? Dapat handa din tayo ma-amaze sa mga danas ng mga kapwa nating Pilpinong naiiba sa atin.

Paano nga ba itataguyod sa teksto ang representasyon? Sa Wing of the Locust, halimbawa, halos lahat sila maitim. Kinailangan ko pa talaga isulat sa pahina na maiitim yung mga bida.

 May isang tauhan, si Banigbanig, mataba siya at maganda. Hindi siya "maganda kahit mataba." Maganda siya at mataba. 

May tauhan namang si Muhen, bakla siya at mambabarang. Malaking bahagi ng katauhan yung kabaklaan niya.

Nakakaapekto ba sa kuwento yung katabaan ni Banigbanig o yung kabaklaan ni Muhen? Hindi naman gaano. Pero mahalaga na makikita sila ng mga mambabasa sa pahina. 

At awesome sila. 

Si Banigbanig kaya niya maging sawa at nakikipagbuno siya para makipaglaban. 

Si Muhen naman nakakausap niya yung mga kulisap para makipaglaban para sa kanya. 

Matabang babaeng-sawang mandirigma. Baklang mambabarang na mapanganib at tuso.

Kasi noong bata ako, may mga bakla nga sa media, pero hindi sila awesome. Nakakaawa sila kungdi nakakatawa. As in pinagtatawanan sila. 

Ayaw ko kaawaan, at mas lalong ayaw kong pagtawanan. 

Kaya yung mga hinahanap ko noong bata ako, ako na lang nagsulat. 

Para may mga batang makapagbabasang makatitiyak sa puwang para sa kanila sa mundo. At makikita nilang may karapatan silang maging maligaya. At makatitiyak silang AWESOME sila.

Daragdagan pa natin yan. Maliban pa sa sari-saring mga tauhan na iba-iba, mahalaga ding makitang nagkakasalamuha sila. Maganda ring may hindi pagtatagpo ang pananaw nila. Pero sa kalaunan. Mahinahon silang magkakasundo at maaari pang maging magkaibigan. Kapag nabasa niyo na yung Wing of the Locust, magkakakilala si Banigbanig at Muhen…TENSION!

Kaya nasasabik ako sa selebrasyong ito ng National Book’s Day, kasi paraan talaga ang pagbabasa para makapagbuklod. Magkaiba? Magkaisa. Magbasa! 



Previous
Previous

CCP & PBBY Collaborate on a free E-book!

Next
Next

Aklat Alamid