Dr. Luis P. Gatmaitan, recipient of 2023 Gawad Dangal ng Lahi
We are honoured that our sectoral representative for authors, Dr. Luis P. Gatmaitan—popularly known as “Tito Dok”—was the keynote speaker and Gawad Dangal ng Lahi awardee at the 71st Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
With his permission, we are posting a copy of his keynote speech for posterity.
Congratulations, Tito Dok!
Talumpati ni Dr. Luis P. Gatmaitan
ISANG MAPAGHILOM NA GABI SA INYONG LAHAT
“Doc, do you write legibly?” Paminsan-minsan ay may bumibiro sa akin nang ganito kapag nalamang isa akong manggagamot na nagsusulat. Nakalakhan na kasi natin na ang mga doktor ay may sulat-kamay na parang ‘kinahig ng manok.’ Kaya sinasabing hindi ito bagay sa amin. Reseta raw, at hindi prosa at tula ang dapat naming sulatin. Pero kay raming kuwento naming natitisod bilang mga mediko sa aming pakikiharap sa mga pasyente, sa loob man ng klinika o sa mga pasilyo ng ospital. Mga salaysay ito na dapat mabasa ng mga tao. Mga kuwento ito ng pagkakasugat, pagkakasakit, at paghilom. Paanong hindi kami susulat?
“Ay, parang hindi ka doktor kung magsulat!” Iyan ang isa pang natatanggap kong bati sa mga pagkakataong ako’y nasa booksigning. Mabuti na lang at siniguro ng Nanay ko, na isang retired public school teacher, na maging maayos ang aking handwriting. Wala naman siyang ideya noon na magsusulat pala ako ng mga kuwento sa kabila ng aking pagiging alagad ni Hippocrates.
Sa world literature, marami ring manggagamot ang naakit sa halina ng panulat: nandiyan sina Anton Chekhov, W. Somerset Maugham, William Carlos Williams, Michael Crichton, Richard Selzer, Khaled Hosseini, Atul Gawande, at Oliver Sacks. Huwag na tayong lumayo. Sa ating bansa naman ay nagkaroon tayo ng Arturo Rotor, Fausto Galauran, Juan Flavier, at ang ating pambansang bayaning Jose Rizal. Marami ring kabataang manggagamot ngayon ang sumusulat ng creative non-fiction, tula, at kuwentong pambata. Kamakailan nga ay itinatag ng internist-poet na si Dr. Joti Tabula ang ‘Philippine Society for Literature and Narrative Medicine’ (sa tulong ni Dr. Marjorie Evasco) upang tipunin ang mga “alagad ni Hippocrates na ngayo’y alagad na rin ni Balagtas.”
Kung may isang genre ng panitikan na nagkaroon ng milya-milyang pag-unlad o pang-angat nitong mga nagdaang dekada, ito ay ang panitikang pambata. Nasaksihan natin ang napakaraming development sa larang na ito. Kabi-kabila ang naging paglulunsad ng mga aklat pambata. Sa mga book fairs ay may espasyo nang nakalaan sa mga akdang pambata. Marami ring symposium o conference na ginaganap tungkol sa panitikang pambata. Marami-rami na ring mananaliksik ang nag-aaral na ang tuon ay ang panitikang pambata. Kung dati-rati ay ipinaghele tayo ng ‘barkadahan’ nina Cinderella, Snow White, Peter Pan, at Pinocchio, ngayon ay kay raming magagandang aklat pambata na Pinoy ang konteksto at sensibilidad. Pinoy sa mga teksto at ilustrasyon.
Kung inaakala nating mga nobela, tula, at mga personal na sanaysay lamang ang isinulat ng ating bayaning Jose Rizal, nagkakamali tayo. Muli niyang isinalaysay ang isang popular na kuwentong-bayan: ang The Monkey and the Tortoise (Ang Matsing at Ang Pagong). Hindi man orihinal na kuwento ni Dr. Rizal, pinangahasan niyang muling maisalaysay ito ayon sa pagkakatanda niya. Sa tingin ko, kung hindi namuno si Dr. Rizal sa mga isyu ng kaniyang panahon, maaaring siya ang kanuna-unahang children’s book author sa bansa.
Ipinadala niya ang kopya ng ‘The Monkey and The Tortoise’ sa isang journal sa London, ang Trubner’s Oriental Record, isang babasahing laan para sa mga panitikang mula sa Timog-Silangang Asya (Far East). Nalathala ito sa naturang journal noong ikatlong Martes ng Hulyo ng taong 1889; at ang naturang publication ay matatagpuan pa rin sa ‘Asian and African Reading Room’ ng British Library. Ito ang naging basehan ng ginagawang pagdiriwang ngayon ng National Children’s Book Day. Muli rin niyang isinalaysay ang ‘Alamat ni Mariang Makiling.’ Isinalin rin niya sa Tagalog mula sa wikang Aleman (German) ang lima sa mga fairy tales ni Hans Christian Andersen: Ang Pangit na Sisiw na Patu (para sa The Ugly Duckling), Ang Batang Babaeng may Dalang Sakafuego (para sa The Little Match Girl), Si Gahinlalaki (para sa Thumbelina), Ang Sugo (para sa The Angel), at Ang Puno ng Pino (para sa The Fir Tree).
Nang magsimula akong magkaroon ng interes sa panitikang pambata, napansin ko ang relasyong namamagitan patungkol sa kalagayan ng paglalathala ng aklat pambata sa sinasabing economic status ng isang bansa. Ang mga bansang mauunlad gaya ng US, UK, Japan, at Korea ay kay raming inilalathalang aklat pambata. Samantala, ang mga bansang kabilang sa ‘developing countries’ ay ‘developing’ din ang ani ng panitikang pambata. Ito pa naman ang mga bansang mas maraming ipinanganganak na bata. Masasabi pa ngang mapalad ang ating bansa sapagkat mas marami tayong aklat pambatang inilalathala kumpara sa mga kapitbansa natin sa Timog-Silayang Asya.
“E, Dok, kailan ka naman susulat ng seryosong libro?” Gayon ang bungad sa akin ng isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (na hindi ko na pangangalanan) nang bigyan ko siya ng kopya ng aking mga librong ‘May Giyera sa Katawan ni Mark, Si Duglit ang Dugong Makulit, at Ayan na si Bolet Bulate. ” Ito po ang mga nauna kong aklat pambata. Aaminin kong nabigla ako sa kanyang sinabi (bagama’t alam kong wala naman siyang intensiyong makapanakit). Pero hindi naman po siya nag-iisa sa ganoong pananaw. Sadya yatang maraming tao ang may mababang pagtingin sa panitikang laan sa mga bata. Madalas, nila-LANG lang natin ang ano mang bagay na may kaugnayan sa bata. Pambata LANG ‘yan. Bata LANG ang babasa. Na para bang ang nais ipakahulugan ay ‘hindi dapat seryosohin ‘yan.’ Nalimutan natin na ang mga bata ang itinuturing na ‘most discriminating audience of all.’ Kapag nagustuhan ng bata ang isang kuwento, paulit-ulit niya itong binabasa. Kapag hindi niya nagustuhan, sasabihin niya sa iyo na hindi maganda ang kuwento. Hindi sila maglulubid ng mga salita para lang papaniwalain tayong nagustuhan nila ang ating kuwento. Diretso, walang sugar-coating. No filters. Kahit nga sa korte, ang testimonya ng bata ay isinasaalang-alang.
Nalimutan yata natin na ang bata ay sadyang kaiba sa mga adults. Sa kursong Pediatrics, tinuruan kami na ang mga bata ay hindi mga adult na pinaliit lamang. May sariling ‘set of symptoms’ na makikita lang sa mga bata, may mga sakit o kondisyon na partikular lang na sa bata makikita, at may mga gamot na angkop lang para sa kanila. Hindi rin kakalahatiin ang dosis ng gamot na pangmatanda dahil ibibigay ito sa bata. Ganoon din sa panitikan. May panitikang laan o akma para sa kakayahan at kasanayan ng mga bata. Pero hindi natin matatawaran o masasagkaan ang lawak at lalim ng kanilang mga imahinasyon.
Sa likod ng makukulay na aklat pambata ay nandun ang isang tekstong maiging pinag-isipan at inedit bago nilapatan ng mga guhit at ilustrasyon. Sabi nga, when we’re writing for 18 to 80 years old, we’re not thinking of adjusting our language to suit their age. Pero kapag nagdesisyon tayong magsulat para sa mga bata, nakapaloob sa kuwentong susulatin ang angkop na wika at sikolohiya para sa isang partikular na age-group. Nandoon din ang angkop na tema o paksa. Kasama rin nating isinasaalang-alang ang kanilang reading level at kaya ‘make or break’ ang word count. Idagdag pa rito ang kanilang developmental milestones at isyu na angkop sa edad. Mahalagang usapin ang age-appropriateness at development-appropriateness kapag bata ang tuon ng ating panulat. Sa aming ahensiyang NCCT o National Council for Children’s Television, nagtakda po kami ng criteria o pamantayan na titingnan pagdating sa pagtatasa o pag-aanalisa ng content ng palabas sa telebisyon para masabing ito’y child-friendly o makabata. Ginamit namin ang acronym na E-V-A o EVA. Ang content ba ng palabas ay E-educational o informative, V-Value laden, at A-Age-appropriate?
Sa Amerika, ang kasalukuyang trend pagdating sa mga pang-telebisyon at pampelikulang palabas, ay sa mga aklat pambata nila hinahango ang mga kuwento o konsepto. Sa gayong paraan daw kasi, nakatitiyak tayo na ang nilalaman o content ng palabas ay sadyang para sa mga bata. Sang-ayon ako rito sapagkat ang bawat aklat pambata nga naman ay dumaan sa masusing mata ng mga awtor at editor na tutok ang lente sa sensibilidad pambata. Di dahil pambata ay childish na. Katunayan, ang mga akda ni Kwame Alexander, isang kilalang children’s book author sa Amerika na nagwagi ng prestiyosong John Newbery Medal for Children’s Literature noong 2015 para sa kanyang young adult verse novel na The Crossover, ay ginagawa na ngayong TV series at pelikula. Sa panahong ang content ay agad-agad na lang na naia-upload sa Youtube na di man lang dumaan sa editing, ang mga akdang pambata na dumaan sa vetting o sa masusing mata ng editor at publisher ay mas katanggap-tanggap. Similarly, ang mga akda na pararangalan ng Palanca ngayong gabi ay dumaan din sa masusing mata ng mga hurado.
Sa ngalan ng lahat ng manunulat ng panitikang pambata, nagpapasalamat ako sa Palanca family sa pagdaraos ng taunang patimpalak na ito. Napakalaki ng ambag ng Palanca Awards sa pagtatampok sa ‘panitikang pambata’ bilang isang lehitimong genre ng panitikan. Walang problema sa publiko dahil lagi namang mabili ang mga aklat pambata kahit saang bookfair.
Nagsimula ang kategoryang ‘maikling kuwento’ at ‘tula’ sa Palanca Awards noong 1951. Tanging ang mga ito lamang ang kategoriyang nakabukas. Pero noong taong 1989, makalipas ang 38 taon ng pagbibigay ng awards, sa pagsusog ng mga miyembro ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), na itinatag ng ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si G. Virgilio Almario, naidagdag ang ‘Maikling Kuwentong Pambata’ at ang ‘Short Story for Children.’ Lilipas ang mga taon at susundan ito ng ‘Tulang Pambata’ at ang ‘Poetry Written for Children.’ Ito’y bukod pa sa kategoryang ‘Kabataan Essay’ o ‘Sanaysay na Pangkabataan.’ Hindi rin malayo na sa hinaharap ay magkaroon ng panibagong kategoriya ang Palanca – ang Dulang Pambata (or Play for Children), Nobelang Pangkabataan (or Novel for Young Readers) at Dulang Pampelikulang Pambata (or Screenplay for Children). Wala namang masamang mangarap, di ba?
Nagpapasalamat ako sa mga manunulat ng ating bansa na nanguna sa panitikang pambata: ang mandudulang si Severino Reyes (na mas kilala natin bilang si ‘Lola Basyang’), si National Artist Virgilio Almario (na nagtatag ng kauna-unahang publishing house na pambata, ang Adarna House, noong dekada 70), si National Artist Amelia Lapena-Bonifacio (tagapagtatag ng Teatrong Mulat), at si G. Rene Villanueva (dating creative director ng TV show na Batibot), na nagpamalas ng kakaibang sigasig sa paglikha ng panitikang pambata. Hinawan nila ang landas para sa amin. Itinanim nila ang binhi sa aming puso upang kami man, sa abot ng aming kakayahan, ay makapag-ambag sa mayamang ani ng panitikang pambata sa bansa.
Taong 1994 nang una akong nagtangkang sumali sa Palanca Awards. Nanalo kasi ang isang kaibigan ko sa Palanca. Naisip ko noon na baka-sakaling may tsansa ring mapansin ng Palanca ang aking akda. Writing from the disciplines. Ang mundo ng medisina bilang salukan ng inspirasyon para sa mga lilikhaing akda. Ito ang naisip kong bentahe na aking bitbit sa pagsali sa patimpalak Palanca. Suntok sa buwan, sabi ko, dahil hindi naman ako nag-aral ng Creative writing, Literature, Journalism, Advertising, o ano mang kursong may kaugnayan sa pagsusulat. Ang alam ko lang na pasimula ng aking pagiging manunulat ay ang pagseseryoso sa ipinagagawang ‘theme book writing’ ng aming mga guro sa elementarya. Sabi ng kaibigan kong dating advertising executive at kilalang children’s book author na si Grace Chong, ‘intuitive writer ka, Luis. Alam mo kung paanong magkuwento, at kung paanong magkuwento nang mahusay.’ Natutuwa ako na sa aking pagiging intuitive writer ay nakasungkit din ako ng Palanca at nakapaglathala ng mga aklat pambata.
Noong una akong manalo sa Palanca, naisip kong ‘malaking tsamba’ ang nangyari. Nang matanggap ko ang telegrama (opo, telegrama pa ang uso noon!) na ang aking akdang ‘Si Duglahi, Isang patak ng Dugo’ ay nanalo, naisip kong baka may nagbibiro lang sa akin; na baka ‘prank’ lamang ito! Pero totoo pala. ‘Novelty’ raw ang aking piyesa, ‘yun ang natatandaan kong sinabi ng mga hurado. Nang muli akong sumali ng sumunod na dalawang taon at hindi pinalad na manalo, lalo kong napagwari na tsamba nga lang ang lahat. Pero nang muling kilalanin ulit ng Palanca ang aking akda sa ikatlong taon ng pagsali, this time sa kategoryang sanaysay naman (na pinamagatang ‘Reseta at Letra’), napagtanto kong ‘validation’ ito para sa akin. Nagsilbi itong tapik sa balikat, isang paalala - isang matamis na paalala - na gamitin ang panulat upang ‘tulungang hilumin o gamutin ang bayang may sakit.’ Kalaunan, ibinigkis ko sa mga kuwento ang ilang medical at health concepts na nagbigay-daan upang magawa ko ang serye ng ‘Mga Kuwento ni Tito Dok.’ Sabi ng iba, ito ay ang mga kuwentong may ‘medical flavor’ kung kaya’t may nagsabi pang ako’y tagapagsulong ng SakitLit o Sakit Literature. Na maaaring ang nais niyang ipakahulugan ay HealthLit o Health Literacy.
May isang panahon na binanggit ng namayapang guro at manunulat na si Dr Lina Diaz De Rivera, dating propesor ng Children’s Literature sa UP Diliman at naging Palanca awardee rin, ang mga katagang ito, “I’m now seeing the dawning of the Golden Age of Children’s Literature in the Philippines.” (Sa Filipino, ‘nababanaagan ko na ang pagbubukang-liwayway ng Gintong Panahon ng Panitikang Pambata sa Filipinas’). Paano niya nasabi ‘yun? Kasi raw sa pagtuturo niya ng elective na children’s literature sa College of Education ng UP, dati’y puro foreign children’s books ang kanilang references, pero ngayon daw ay halos puro lokal na aklat pambata na ang kanilang ginagamit. Kabi-kabila rin ngayon ang nangangahas magsulat at maglathala ng kuwentong pambata. Maraming mga NGOs na rin ang gumagamit ng aklat pambata para itawid ang kanilang adbokasiya. Kahit nga ang Deapartment of Education (DepEd) ay naglunsad na rin ng isang kumpetisyon para sa mga guro tungkol sa paggawa ng storybooks: ang National Competition on Storybook Writing o Gawad Teodora Alonso. Ito’y inilunsad nila upang mas mahasa at gawing mas malikhain ang mga guro sa pagtalakay ng ‘most essential learning competencies (MELC)’ sa mga lesson plans. Ayon sa kanila, ‘creative teachers breed creative learners.’
Mayaman na rin ang kontribusyon ng mga kuwentong pambata mula sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa. Hindi na kuwento lamang ng taga-Luzon o taga-Maynila ang mababasa. Marami na ring nailathalang aklat pambata mula sa Kabisayaan at sa Mindanao. May mga publishing houses na rin na ang tuon ay maglathala ng mga aklat pambata mula sa rehiyon. At ang mga kuwento’y nakasulat sa kanilang ‘heart language’ (o mother tongue). Ang pagbubukas ng Palanca sa mga akdang pangrehiyon (gaya ng Ilocano, Hiligaynon, at Cebuano) sa kategoryang ‘maikling kuwento’ ay kapuri-puri. Di malayong sa hinaharap ay magbukas na rin sa regional languages ang ‘maikling kuwentong pambata.’
Malaki ang iniwang pinsala ng nakaraang pandemya sa literacy ng mga batang mag-aaral. Halos tatlong taon ‘yun na ang pag-aaral ay ginawang online at modular. Nang muling bumalik sa paaralan ang mga estudyante, nabigla ang lahat sa idinulot na epekto nito. Bigla kasing nasa Grade 5 na ang mga batang nasa Grade 1 o Grade 2 pa lang nang mangyari ang pandemya. Ayon sa isang ulat ng World Bank, “9 sa 10 batang Pilipinong may edad na sampung taong gulang ay hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kuwento.” Nang minsang magbigay ako ng creative expression workshop na idinaos ng Cultural Center of the Philippines para sa mga bata, nakaharap ko ang isang lalaking Grade 5 student na nang hilingan kong sumulat ng kahit ano lang gamit ang isang writing prompt (isang maikling ‘lead sentence’ na dudugtungan) ay napansin kong hindi nagsulat. Nang lapitan at tanungin ko siya kung bakit di siya nagsusulat, ang sabi niya ay hindi niya alam isulat ang napakaikling pangungusap. Hindi rin siya halos makabasa. Para akong sinampal ng reyalidad! Nasa harap ko ang isa sa mga batang binabanggit sa statistics. Totoo nga palang kay raming non-readers ngayon kahit pa nasa Grade 6 o high school na. Hindi sila makabasa. O kung nakababasa man, wala itong pang-unawa (reading without comprehension) o kaya’y nakababasa sila pero walang kakayahang magsuri or think critically matapos basahin ang isang akda. Tinawag itong ‘learning loss’ o ‘learning poverty’ ng mga education experts. At ayon rin sa kanila, reading storybooks is the best tool to stop, or even reverse, learning loss. Pagbabasa ng mga magagandang storybooks ang gamot sa learning loss.
Ano kung gayon ang papel ng aklat pambata sa buhay ng mga batang ito? Siguro’y ang maging ‘tagapagtawid.’ Malaki ang tulong na magagawa ng panitikang pambata o aklat pambata upang maitawid ang mga batang ito sa kanilang kinasadlakang sitwasyon. Paano nila mababasa ang mga klasikong akdang Florante at Laura, Noli me Tangere, at El Filibusterismo? Sa tulong ng mas maiikling akda na nilahukan ng makukulay na ilustrasyon, mas maeengganyo nating magbasa ang mga bata at tuklasin ang daigdig ng mga kuwento. Dito mas nagiging relevant ang mga aklat pambata. Tulungan nating maitawid ang ating kabataan upang isang araw ay matikman nila ang mga chapter books, graphic novels, maikling kuwento, sanaysay, o nobela.
Ang disiplina ng pagsusulat at pagbabasa ay hindi pampalipas-oras lamang. May mahalaga itong gampanin sa tinatawag nating nation-building. Ayon sa ekonomistang si Dr. Federico Macaranas, propesor sa Asian Institute of Management, ang pagbabasa ng aklat ay hindi basta libangan lamang. Patuloy raw tayong nagbabasa upang madagdagan ang ating kaalaman, magkaroon ng transfer of technology, magkaroon ng kakayahang magtimbang-timbang, magsuri, at magdesisyon nang wasto – lahat tungo sa nation-building. Ang literacy ay isang mahalagang haligi ng nation-building o pagpapatatag ng bansa. Pero paano tatatag ang bansa kung ang simpleng kasanayan sa pagbasa ay hindi magawa ng ating mga kabataan?
Makapangyarihan ang mga kuwento, ang mga salaysay. Kahit ang ating Panginoong Hesus ay gumamit ng kuwento sa Kaniyang mga parabula o parables. Sa librong ‘1001 Arabian Nights,’ isang koleksyon ng mga Middle Eastern folktales, ipinakita kung paanong iniligtas ni Scheherazade (She-he-ra-zad) ang kaniyang sarili laban sa asawang si Haring Shahryar (Shar-yar) na laging ipinapapatay ang kabiyak matapos ang kanilang unang gabi ng pagtatalik. Iyon ay para hindi na magkaroon pa ng pagkakataong makapagtaksil pa sa kanya ang napangasawa. Dito ginamit ni Scheherazade ang kapangyarihan ng kuwento (at pagkukuwento) upang hindi siya maipapatay. Gabi-gabi, magsisimulang magkuwento si Scheherazade pero hindi niya ito bibigyan ng wakas. Ibibitin niya ito, may cliffhanger kumbaga. Kaya nanaisin ng Hari na sa bawat araw ay manatiling buhay si Scheherazade.
Ang kuwento ni Scheherazade ay isang patotoo sa ‘life-saving power of stories.’ Isa itong patunay na nakapagliligtas ang kuwento. Ganyan din ang naranasan natin noong pandemya. Iniligtas tayo ng mga kuwento. Itinawid tayo ng mga kuwento – sa libro man, pelikula, social media, Netflix – upang malampasan natin ang pagkabagot/pagkabugnot at iba pang mental health concerns na kaakibat ng lockdown at pandemya. Natatandaan ko pa ang kuwento ng broadcast journalist na si Howie Severino sa kung paanong inalalayan siya ng asawang si Atty Ipat Luna, na isa ring manunulat, noong panahong nagka-Covid siya at pakiwari niya’y mamamatay na siya. Nakatulong daw sa kanya ang mga meditation exercises at mga kuwentong ibinabahagi ng kanyang asawa upang malampasan ang sitwasyon niya.
Medically speaking, stories are said to be more powerful than facts and figures. There are two changes that happen in the brain when we are presented with stories. One is neurological change, the other is chemical change. Sa aspektong neurological, sinasabing may pitong (7) bahagi ng human brain ang nai-stimulate kapag nakikinig tayo sa kuwento. Samantala, dalawang (2) bahagi lamang ng human brain ang nai-stimulate kapag hinarapan tayo ng facts and figures. Samakatuwid, mas natatandaan natin ang mga kuwento, kahit ito pa’y mga tsismis na dala ng mga ‘marites,’ kahit lumipas na ang maraming taon, dahil may pitong (7) bahagi ng ating utak ang na-stimulate nito. Ang mga datos, facts, and figures, ay madaling malimutan, dahil nga sa dalawang areas lang ng brain ang na-stimulate nito. Madapa ka lang, nalimutan mo na agad ang minemorize mo na mga facts and figures. Sa aspektong chemical change naman, sinasabing nagre-release ang ating utak ng mga happy hormones – partikular ang oxytocin, na isang bonding hormone - kapag nakaririnig tayo ng kuwento o kung mismong tayo ang nagkukuwento. May exchange of oxytocin na nangyayari sa pagitan ng taong nagkukuwento at ng taong nakikinig ng kuwento.
Maraming pagsubok ang hinaharap ng panitikan sa gitna ng nagbabagong media landscape ngayon. Ang impluwensiya ng social media at ang pagdating ng Artificial Intelligence (o AI) o Chat GPT ay di dapat ipagwalang-bahala. Alam kong marami pang hamon ang mangyayari. Pero sana, matutunan nating kunin lamang ang kung ano ang mabuti at ang makatutulong sa atin mula sa nagbabagong teknolohiya. Minsan, sinubukan kong magbigay ng prompt sa AI tungkol sa pagsulat ng kuwento. Sabi ko sa AI, ‘write a beautiful Tagalog children’s story about a boy who is being bullied in school and who must overcome his circumstance.’ Ang bilis niyang tumipa ng sagot. Sa ilang saglit ay may kuwento na siya na sinimulan niya nang ganito: ‘Isang araw, may isang batang lalaking sampung taong gulang na nakatira sa isang malayong bayan, etc.’ Kulang sa pagmalikhain ang nakita kong salaysay sa AI. Tradisyunal. Makaluma. Gasgas o puro cliché. Pumanatag ang loob ko at napagtantong kailanman ay hindi mapapalitan ng AI ang mga mahuhusay nating manunulat.
Naniniwala ako na lahat ng ating ginagawa sa ngalan ng Panitikan, pati na ang mga akdang pararangalan ngayong gabi, ay matibay na naka-angkla sa pagpapatatag o paghilom ng bansa. Bawat manunulat na naririto, ano mang genre ng panitikan ang kinakatawan n’yo, ay may papel sa nation-building. Tayo’y mga nation-builders!
Sa isang panahong ang lahat ay bumabangon at nagpapanibagong-sigla mula sa epekto ng pandemya, gusto ko lang ipaalala na ‘hindi lamang mga tableta’t kapsula, istetoskop at heringgilya, ang puwedeng gamitin sa panggagamot. Puwede rin ang mga libro, puwede rin ang mga kuwento. Lalong dakila’t dalisay sapagkat puro’t organik ang magagandang libro na siyang lunan ng ating mga kuwento.
Magandang gabi po sa ating lahat.