Payapa ang Buhay ng Batang Nagbabasa
Kristine Canon’s Keynote Address
for the 41st National Children’s Book Day Ceremony
Sa PBBY na pinamumunuan ni Paula Reyes, kay CCP President Kaye Tinga, kay CCP Artistic Director Dennis Marasigan, kay NBDB Chair Klink Ang, kay Sir Virgilio Almario, National Artist for Literature, mga kapuwa kong guro at kuwentista, at sa inyong lahat na mga idol ko sa paglikha ng kuwentong pambata, isang mapayapang umaga.
Sa totoo lang, kinabahan ako nang maimbita ako dito upang magsalita tungkol sa tema nating “Payapa ang Puso ng Batang Nagbabasa.” Hindi kasi ako siguradong mahihikayat ko kayo tungo sa isang mas mapayapang mundo. Marami kasi ang nagsasabi sa akin na hindi makabuluhan ang sinusubukan kong gawin dahil ang tunay na buhay natin ay marahas. Maraming masamang tao sa mundo. Ang realidad natin ay puro paghihirap, kawalan o ubod na bagal na hustisya, pagkait at pagtapak sa karapatan ng mga bata, pagmamalupit at kung ano-ano pa. Sa katunayan, agree po ako sa kanila. Ang buhay ay punong-puno ng gulo o conflict at karahasan na maaaring direktang nararanasan o hindi man, pero nasa ating kamalayan. Ang conflict ay nararanasan nating lahat araw-araw. Ito ay normal na bahagi ng buhay. Ito ay hindi maiiwasan o mahirap maiwasan.
So, ’yun lang po. Period. Maraming salamat, at diyan nagtatapos ang aking mensahe sa araw na ito.
Okey lang ba ’yan sa inyo? Na-inspire ba kayo sa narinig ninyo? Siyempre hindi, di ba?
Kung tayo ay hihinto na diyan sa lebel ng pagtanggap na ang realidad ay sadyang masama at hindi na magbabago pa, e di ’yan din ang matutuhan ng mga bata. Sadya pala nating itinatanim ang karahasan sa mga puso nila.
Paano ba natin talagang mapapalaki ang mga kabataan na payapa ang puso?
Wala po akong sagot diyan, pero ikukuwento ko na lang sa inyo kung ano ang natutuhan ko sa paglalakbay na ito bilang isang peace educator.
Halos dalawang dekada na noong tinahak ko ang daang ingklusibo o inclusive education dahil sa pagpapalaki sa anak kong PWD at sa pagiging guro ng mga batang may special needs. Mula sa kanila, nakita ko na maganda man ang intensiyon ng mga paaralan, marami pa rin tayong mga kaugalian na hindi makatarungan para sa lahat ng batang mag-aaral. Mabuti na lang, napapaligiran ako ng mga taong malawak ang isip at naipakita at naituro sa akin ang maraming paraan upang mabigay ang nararapat na kaukulang atensiyon sa bawat mag-aaral na neurotypical o neurodivergent man.
Dahil sa mga gurong tulad nila, nakita ko na ang ingklusyon ay hindi para lamang sa mga batang may special needs. Ang ingklusyon ay para sa lahat, dahil ang bawat bata ay may karapatang matugunan ang kaniyang pangangailangan upang mabuhay ng may kapayapaan sa puso. Magkakaiba ang bawat bata. May sariling angking talino na kaniyang inihahandog sa mundo. Ipinagmamalaki ko na sa panahon ngayon, mas marami na tayong kuwentong pambata tungkol sa kanilang kakaibang mga idea at pag-iisip, kakaibang damdamin at emosyon, kakaibang daan na pinipili para sa kanilang buhay. Natutuwa ako dahil ito ay patunay sa nais nating lahat na tahakin ang ingklusyon dahil ito ay ang sadyang pagbuo at pagtaguyod ng mga lugar at okasyon para maramdaman ang kapayapaan sa puso ng bawat bata dahil tanggap sila nang buong-buo kahit kakaiba sila.
Dahil sa pag-aaral tungkol sa ingklusyon, napagtanto kong sumali sa Teach Peace, Build Peace Movement bilang isang volunteer teacher-trainer at module writer. Dito ko nakita na malalim at matarik ang daan tungo sa payapang puso ng kabataan, hindi lamang pala sa ingklusyon.
Humaharap kami sa mga returnee o mga batang sumanib sa violent groups at bumalik sa pamilya nila. Nakikipagkuwentuhan kami sa mga guro at mag-aaral na umiiwas sa bala habang nasa loob ng paaralan. Nakikipag-usap kami sa mga magulang na nasa gitna ng gulo at sapilitang pang-aagaw sa kanilang mga anak upang lisanin ang pag-aaral at sumanib sa marahas na mga pangkat. Sa umpisa, ayaw nilang maniwala sa amin. Wala silang gana o interes. Negatibo ang pagsalubong nila sa mga programang nais naming isulong. Pero pagkatapos ng mahabang pakikinig at mabigat na usapan, mapapawi at mapapalitan ito ng kasiyahan at kaluwagan ng dibdib, dahil sa peace education programs na aming ibinabahagi sa kanila, na kanila namang ipagpapatuloy na may bagong pag-asa. Ang conflict pala ay nakakastress man, maaari ding magdulot ito ng pagbabago na ikabubuti nating lahat, lalo na kung pipiliin natin ang maayos na usapan kaysa marahas na paraan.
Sa totoo lang, ako ang mas natututo sa kanila kung ano ang kapayapaan. May tatlo akong paboritong kuwento tungkol dito.
Ang una, may isang guro kaming nakausap na dumadalo sa aming mga community training. Hindi pa po tapos ang training nila ng ibinahagi niya na nagkabarilan daw sa likod ng bahay nila. Hindi raw siya nag-alala kasi magiging “peace hero” na raw siya dahil sa mga training na pinupuntahan niya.
Gayundin ang kuwento ng isang volunteer noong Marawi siege. Nagkataon na suot niya ang T-shirt namin na may nakalagay na “I am a Peace Hero.” Noong dinadampot ng mga sundalo ang mga nagtatago at isa siya roon, lakas-loob siyang tumayo at sumama sa mga sundalo kasama ng mga kapuwa niyang nagtatago. Pinakita niya sa mga sundalo ang T-shirt niya at sinabing peace volunteer siya, hindi siya terorista.
Noong una nagulat ako kasi parang wala lang sa kanila ang barilan at giyera, tapos nag-alala ako na tingin ata nila sa peace training namin at T-shirt ay parang anting-anting na sasalba sa buhay nila. Natatawa na lang ako ngayon.
’Yung ikatlong kuwento, ay tungkol sa isang bata na siguro mga pito o walong taong gulang siya noon. Itago natin siya sa pangalang Jamil. Mahilig si Jamil magdrowing ng iba’t ibang klase ng baril at mga barilan ng mga sundalo. Hindi siya nagsasalita masyado pero lagi siyang sumasali. Pero nalaman ko na ang pangarap pala niya ay maging bahagi ng violent extremist na sikat na sikat sa kanila. Kasi astig daw sila. ’Yun lang ang kuwento niya. Basta nakaupo lang siya kasama namin, nanonood, at kapag binigyan ng krayola at papel, magdodrowing na siya. Mahilig talaga siyang magdrowing . . . ng barilan at patayan. Pati ang mga kyut na minions ng Despicable Me ay may mga hawak na baril, duguan at nagpapatayan. Ngunit habang lumilipas ang mga araw at panay ang pagdalo ng batang ito sa peace ed program namin, nag-iiba na ang drowing niya. Unti-unting nawawala ang mga baril. At noong pauwi na kami, kasama ng isang mahigpit na yakap ng pasasalamat, binigyan niya kami ng drowing ng pamilya niya at tahanan nila, may araw at ulap sa taas at mga puno, halaman, at bulaklak sa baba at paligid nito.
Nakita ko sa kanila na ang kapayapaan ay hindi nakasalalay lamang sa panahon na walang giyera o armed conflict. Kasi hindi naman mapipigilan ng kahit anong training sa peace education ang giyerang nagaganap. Ang kapayapaan ay nakabatay sa pag-asa at pagnanasa nila para sa mapayapang buhay kahit na patuloy ang karahasan sa lugar nila. Ang payapang puso pala ay ang pusong may pag-asa. Ang kapayapaan ay maitatanim sa puso ng bata kung pagmamahal ang yumayakap sa kaniya at hindi karahasan ang bumabalot sa buhay niya. Natuto ng kapayapaan si Jamil laban sa kaguluhan at karahasan na unang naituro sa kaniya ng paligid niya.
Masuwerte tayo at ligtas at malaya tayo rito. ’Yan ang pakiramdam ko sa tuwing uuwi sa Maynila pagkatapos ng [isang] peace mission. Ngunit mali pala ako. Akala ko kasi ang peace education ay para lamang sa mga mag-aaral na hindi nabibigyan ng karampatang edukasyon dahil sa kanilang kahinaan o sa mga lugar na may armed conflict. Pero ang kapayapaan ay hindi lamang ang pagkawala ng giyera.
Bilang isang guro, araw-araw ko nasasaksihan ang karahasan o violence at ang kawalan ng hustisya sa loob mismo ng ating mga paaralan. May mga guro tayo na namamahiya para katakutan siya at sundin ng mga bata, may mga bully na nananakit o nang-aagaw ng baon mula sa kapuwa bata, may pang-aalipusta o insulto pero biro lamang daw (talaga ba?), pati na rin ang mga hindi intensiyonal ngunit nakakapinsala na pananalita tulad ng “Kababae mong tao,” “Galawgaw ka!” “Kalalake mong bata, iyakin ka!” Nasabihan na ba kayo no’n? O baka tulad ko, nasabi o naisip n’yo rin ’yun? Matagal bago ko nakita at nakumbinsi na marahas din pala ang mga salitang ’yun na akala natin ay normal lang.
Kinagisnan at kinalakihan natin ang kulturang marahas. Gaya ng sabi ko sa umpisa, bahagi raw ng buhay-bata iyan, kaya dapat daw huwag magpapatalo. Turuan daw ang mga bata na lumaban at maghiganti sa mga nang-aapi. Kung ipagpapatuloy natin ang ganitong takbo ng isip, e di wala pala tayong pinagkaiba sa mga lugar na may armed conflict na nakasanayan na ang kultura ng karahasan.
Dumating ako sa punto na bilang magulang at guro, hindi ko yata kaya sikmurain ang katotohanan na ito. Matindi kasi ’yung paniniwala ko sa kabutihan ng bawat taong nilalang, na tayo ay nilikha na mabuti at mapayapa, upang mapagsilbihan ang kapuwa natin. Kailangan lang ipaalala natin muli sa ating mga sarili ito.
Kung pipiliin natin magturo ng kapayapaan, tayo ay makakalikha ng mapayapang kultura na siyang kalalakihan at kasasanayan ng mga kabataan ngayon. Sa pamamagitan ng mga kuwento tungkol sa kapayapaan na binabasa ng mga bata, masasanay sila sa kultura ng kapayapaan.
Hangga’t sadya nilang nanaisin, hahanapin, at sisiguruhin na maging mapayapa ang mundo nila, kahit na kinakailangan nila baguhin ang mundong kinagisnan nila at basagin ang kaalaman nila para makamit ang kapayapaan na inaasam.
Hindi ko siguro makikitang mangyari ito habang nabubuhay ako. Sa totoo lang, maraming pagsubok ang hinaharap ko araw-araw dahil sa pinili kong daan—marami hong kritiko—kaya araw-araw pumapalpak man ako maging mapayapang tao, araw-araw ko pa ring tatahakin ito. Naisip ko na ang trabaho ko pala bilang magulang at guro ay hindi ituro ang karahasan para harapin ang marahas na mundo. Trabaho ko na palakihin ang mga bata na baguhin at bawasan ang karahasan sa mundo, kahit kaunti lamang.
Alam kong hindi ko kaya baguhin ang isip at puso ng bawat tao sa mundo. Wala atang makakagawa no’n. Sabi ng isang idol ko na lider, subukin ko lang daw at umpisahan sa sarili ko at sa taong nasa harapan ko.
Kayo pala ang nasa harapan ko ngayon. Ano, maaari ko ba kayong maimbitahan sa paggawa ng mapayapang mundo? Sama kayo?
Maraming salamat.
As-salaam alaikum, ang kapayapaan ay sumainyo.
Kristine Canon, or “Teacher Tin,” is an educator, author, and peace advocate. She is one of the founding directors of Creative Learning Paths School, a progressive school which establishes inclusion of children with special needs and education-for-peace.