SUPLING SINING, INC. Isang Makabatang Samahan

ni Jolyssa Gundayao

 

Ngayong taon, muling nagpapakilala ang Supling Sining, Inc., bilang isang samahang para sa batang Pilipino. Ilan sa mga proyekto ng organisasyon ang kampanya sa pangangalap ng mga donasyong aklat at gamit-pampapaaralan para sa mga batang nangangailangan. Kabahagi rin sila sa paghubog ng usaping kaugnay ng paglikha para sa bata, gaya ng kanilang panel para sa National Children’s Book Day ng Philippine Board on Books for Young People.

Ang organisasyon ay binubuo ng mga guro, manunulat, at mananaliksik na inspirasyon ang mga batang higit na nangangailangan ng kalinga upang magsumikap na itaguyod ang misyon nito. Ang pangunahing mga proyekto nito ay ang pagpapadama ng paglingap sa mga batang Filipino sa pamamagitan ng pagkatha, paglalathala, at paglapit ng panitikang pambata. Nagsusumikap rin ang organisasyon na ang mga saliksik at publikasyon tungkol sa mga batang Filipino ay makapag-aambag sa masigla na ngayong pagbubuo ng kaalaman ukol sa pagkabatang Filipino at sa panitikang para sa kanila.

Ang Supling Sining, Inc., ay kasalukuyang pinamumunuan nina Cheeno Marlo Sayuno, Pangulo; Jose Monfred Sy, Pangalawang Pangulo; Sierra Mae Paraan, Kalihim; Kata Garcia, Ingat-yaman; China Patria De Vera, Direktor para sa Pag-anib; John Romeo Venturero, Director para sa Publikasyon; Vijae Alquisola, Direktor para sa mga Ugnayan; at Weng Cahiles, Direktor para sa Komunikasyon. Si Dr. Rosario Torres-Yu ang nagsisilbing tagapayo ng samahan.

Nakikiisa ang Supling Sining, Inc., sa mga samahan at ahensya ng pamahalaan, mga manunulat, at iba pang artista ng bayan para makatuwang sa mga proyekto nito. Ilan sa mga ito ay ang pagkalap ng mga rebyu ng mga aklat-pambata noong Pebrero para sa isang publikasyon, mga donasyong aklat sa mga batang nakatira sa Area 17 sa UP Campus sa programang “Pamaskong Handog ng Supling Sining” at sa Tahanan ng Pagmamahal Children’s Home, at ang kasalukyang pangangalap ng donasyong pang-eskwela para sa mga mag-aaral ng Marilag Alternative School.

Bukas ang Supling Sining, Inc., para sa mga nais maging miyembro at sa mga donasyon. Makipag-ugnayan lamang sa https://www.facebook.com/SuplingSiningInc.

Previous
Previous

LARRY ALCALA: Mastery in Simplicity, Messages in Images

Next
Next

BOOK REVIEW 101 : How to Write Book Reviews and Why They’re Important